Ang buhay ng tao sa mundo ay batbat sa pakikipagsapalaran, ang iba ay nasa kanila ang rurok ng tagumpay at ang iba naman ay nasa karimlan ng mapang-aping tadhana.
Sa araw na ito nais kong ilakbay kayo sa mundo ng dalampasigang pinintahan ng masalimuot na tadhana, ito’y sa panulat ni Ann Gellie Guillen at dumaan sa inyong tagapagsulat upang linawin ang diwa ng masining na pagpapahayag sa ‘Wikang Filipino’. Halina’t ating buksan ang malungkot na mundo ni Den-Den at samahan natin siya sa dalampasigang pinintahan ng masalimuot na tadhana.
“Paano na ang aking bukas, kung sa likod ng aking mga pangarap, ay isang mapang-aping tadhana”, ito ang mga katagang binubulong ng aking puso’t isipan na pilit namang binibigkas nitong tahimik na mga labi.
Hinintay ko ang paglubog ni haring-araw sa may dalampasigan, minamasdan ko ang mga alon sa karagatan1 na tila kumikislap na bituin sa tuwing ito’y nasisinagan ng araw.
Habang pinagmasdan ang kagandahan ng mundong kinaroroonan, biglang naramdaman ko sa aking mga labi ang malamig na simoy ng hangin at hindi ko namalayan ang biglang pagpatak ng aking mga luha sa pisngi, kasabay ng tubig-ulan sa kalangitan.
Bawat patak ng ulan kasabay kong binubuhos ang mga dalamhati sa aking kalooban. Nais kong umawit tulad nila, ibig ko rin ipalabas ang aking saloobin at ipaalam sa kanila kung ako’y masaya o ako’y nasasaktan na.
Masakit man isipin ako’y isinilang na di nakakapagsalita ngunit di katulad ng ibang pipi, ako’y nakakarinig kaya’t hindi ako bulag o mangmang sa aking kinabukasan.
Oo, isa akong biktima ng isang mapabayang Ina, habang ako’y ibinuntis nya, dahil sa alak, sigarilyo at pildora (pills), dagdag pa sa problemang pambabae ng aking Ama, sa simula ng aking pagkabata ako’y namumuhay sa mundong mapanghusga at mapang-api.
Minsan poot at galit ang aking nararamdaman dito sa mundong pilit kung tinatakasan, sapagkat gumugunita sa aking isipan ang mga pang-aaping aking naranasan. Ngunit sino ba sila upang ako’y maliitin at husgahan, gayong tayong lahat ay pantay-pantay sa mata ng Diyos.
Pinilit kong mamuhay ng normal tulad nila, ngunit hindi pa rin nawawala ang mga diskriminasyon sa tulad kong may kapansanan. Kung alam lang nila ang aking nararamdaman, ang nais ko sana ako’y kanilang maunawaan, tanggapin bilang ako nang walang alinlangan kahit na ako’y isang pipi.
Kahit kailan hindi ko nadama na hadlang sa akin ang hindi makapagsalita, ngunit dahil sa mga taong mapang-api, tila nawawalan ako ng pag-asa, mabuti na lang nariyan ang aking lola na tanging hinuhugutan ko ng lakas ng loob.
Sana’y makapagsalita ako upang ipahayag ang aking opinyon at damdamin, nais ko rin bigkasin ang mga tulang aking sariling katha tulad ng isang makata. Ngunit ang ‘tadhana ay tadhana’ ito’y panaginip na lamang.
Kahit ako’y pipi at bingi ngunit sa katotohanan sa aking puso’t isipan ako’y malayang nagpapahayag ng aking magagandang salita sa likod nitong aking kapalaran na pinintahan ng masalimuot at madilim na tadhana. KATAPUSAN.
Kung may kasapi tayo sa pamilya na ganito ang kapansanan, alagaan natin sila nang buong puso, kung nagkaganyan man sila may plano ang Diyos upang sila’y magsaya sa kanilang papel na ginagampanan dito sa mundong ibabaw.
Sa mga pagkakataong tayo ay manalangin, huwag natin silang kalimutan, nang sa gayon mapawi ang kanilang dalamhati.
(Sa mga komento, suhestiyon ug mga sulat tampo mamahimo ninyong ipaabot kanako pinaagi sa e-mail jeepycompio@yahoo.com ug sa address Sta. Ana Nat’l High School Newsroom Guerrero Campus, Creative writing for Filipino and English, Guerrero St., Davao City ingon man sa 09104227400.)
Saturday, January 2, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment