Marami ang nagsabi na ang pag-ibig daw ay makapangyahiran, marami rin ang nagsabi na ito’y kakambal ng tao sa simula’t sapul pa nang kapanganakan.
Aba’y totoo ang lahat, kung walang pag-ibig wala tayo ngayon dito sa ating ginagampanang papel sa mundong ibabaw.
Mapalad tayo sapagkat biniyayaan tayo ng bagay na sadyang namayani sa ating mga puso – ang pag-ibig.
Sinasabing makapangyarihan dahil pipiliin pa ang pagpapakamatay dahil lamang sa pag-ibig. May nagbiti dahil sa pagseselos, may nagpapatiwakal dahil may kinakasama na ng ibang puso ang kabiyak at ang napakasakit ay yaong mahal mo ang isang tao ngunit hindi niya binigyang halaga ang pagmamahal sa isang umiibig sa kanya.
Sadyang hindi maitago ang mga pangyayaring nagpapabuhay sa ating namumutlang sandali kung pag-ibig na ang pag-uusapan. Nangunguna tayo diyan, sapagkat iyan ang daan sa pag-uunawaan sa isa’t isa, pagbibigayan at ang hindi maikukubling suyuan sa panahon ng pakikipag-isang dibdib sa kabiyak.
Marami sa atin ang may masakit na karanasan sa larangan ng pag-ibig, na siyang naghatid sa atin sa mundo ng kalungkutan.
Marami din ang nakalasap sa walang-humpay na pag-iibigan sa mga nilalang na bukod-tangi ang paniniwala sa tunay na diwa ng pag-ibig.
Sa mga sandaling ito, tayo’y maglakbay sa mundo ng pag-ibig na walang hanggan. Isang kathang isip na pinintahan ng tunay na pangyayari, kathang magpapabusog sa ating isipan sa likod ng mga masalimuot na kahapon, magbigay ng inspirasyon at magkulay sa landas ng bagong pag-asa.
Walang pasok sa mga sandaling yaon, naisipan ng kabarkadahan ko na maglakbay sa Isla ng Samal nang sa gayon maaliw ang presyur na nararamdaman sa katatapos na klase at magbabakasyon.
Gayon paman narating namin ang ‘Hagimit Falls’ sa Isla ng Samal, naligo kami sa malamig na agos ng tubig sa batis at kumuha ng mga larawang pang ala-ala sa masasayang sandali sa mala paraisong kagubatan.
Habang papalapit na ang pagtatakip-silim, may nakilala akong isang kaibigan na hanggang ngayon ay nakituloy sa aking puso’t isipan sa lahat ng oras.
Nagpapakilala kami sa isa’t isa hanggang nahulog ang loob ko sa kanya, hanggang dumating na ang oras nang uwian at naghihiwalay na ang aming landas.
Isa sa mga kasamahan nila ay kaklase ko, ka medyor kami sa kinukuha sa kolehiyo sa korsong edukasyon.
Pag-uwi namin hindi ako mapakali, panay nasa isip ko siya, hanggang sa sandali ng aking pagtulog nariyan parin sa aking isipan, naglalaro ang mga ngiti na hindi mababayaran ng kahit gaano kalaking halaga ng pera.
Isang linggo ang nakalipas bumalik kami sa Isla, may komunikasyon kami ng kaklase ko noon na kaibigan nang nakilala ko. Sinundo kami at pumunta sa lugar kung saan maaaring doon matagpuan ang sinasadya namin.
Sa wakas pinagtagpo ang landas, ngunit iba na ang dating nakilala ko. Parang isang bagong sibol na puso ng saging at pagbalik namin ay naglalabasan na ang mga bunga nito na siyang kanyang ugali.
Ang katulad noon na kausapin ka nang mata sa mata, ngayon ay lalakaran kalang habang nagsasalita.
Lubos ang naramdamang pagmamahal ko sa kanya, pero ni kunting isang buhangin ay hindi niya ito binigyan ng pagkakataong alamin ang pag-ibig sa isang umiibig nang lubusan.
Umuwi kami, dala ang hindi maitagong pighati’t kasawian na nararamdaman. Habang naglalakad, pinigilan ko lang ang mga luhang nag-aabang na mananalaytay sa aking pisngi.
Lumalamig na ang gabi, nakarating na kami sa bahay, umakyat ako sa aming rooftop sa may sampayan, kumuha ako nang maupoan at binalikan ko ang mundo ng kasawian.
Napagtanto ko na hindi pala para sa akin yong pag-ibig nayon, siguro may daan ang bawat nilalang patungo sa nararapat na pag-ibig na maaaring makasama ng panghabambuhay.
Hindi ko na mapigilan ang pagbuhos ng mga luha sa ilalim ng gabing madilim na binabalot ng malamig na simoy ng hangin.
Nariyan ang mga bituin na siyang aking tanglaw habang bumubuhos ang aking mga luha ng pagmamahal.
Pinunasan ko ang aking pisngi at sabay bumulong ang aking isipan na, “hindi siya ang para sayo, kung kayo man ay hanggang kaibigan lamang.”
At binulungan ko naman ang aking isipan na, “sana’y hindi ko nalang siya nakilala” upang hindi masugatan ang aking puso na sadyang napaka emosiyunal kung umibig.
Kung sino man sa atin ang may ganitong madilim na karanasan sa pag-ibig, sana’y sabayan mo akong isulat sa buhanginan ang mga dalamhating maaaring magpapabalik ng madilim na kahapon.
Isulat natin roon, nang sa gayon paghampas ng alon, ang lahat ng ito’y mapawi at magsisimula na naman tayong tahakin ang daan patungo sa pag-ibig na walang hanggan.
Ang kathang ito ay para sa aking minamahal na kaibigan, Carl Geralde ng Peñaplata Island Garden City of Samal sa probinsiya ng Davao del Norte.
Nawa’y nakapagbigay tayo ngayon ng inspirasyon, magandang-aral at pag-asa sa mga taong madilim ang daan sa pag-ibig na tinatahak.
(Ako’y iibig nang lubos na dinggin ang inyong mga komento at kuru-kuro, maaari ninyong maiparating sa akin sa pamamagitan ng e-mail bilang jeepycompio@yahoo.com at sa numero bilang 09104227400.)
Saturday, January 2, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment